Paunawa sa Pagkapribado 
(Privacy Notice)

Translated by: UP Diliman - Department of Linguistics

Sineseryoso ng GCash ang iyong pagkapribado. Sinisikap namin na mapangalagaan ang iyong personal na impormasyon. Ginagawa namin ito sa paraang sumusunod sa mga internasyonal na pamantayan at mga batas ng Pilipinas. 

Nakasaad sa paunawa sa pagkapribado na ito kung paano namin pinangangalagaan ang iyong personal na impormasyon. Layunin namin na maging malinaw kung ano ang ginagawa namin at kung bakit namin ito ginagawa. Sinisikap namin na laging gawin ang mga bagay sa tamang paraan. Ipapaliwanag namin dito kung paano namin kinokolekta, ginagamit, ibinabahagi, itinatabi, binubura, at pinapangalagaan ang iyong impormasyon.Ipapaliwanag din namin kung paano mo makokontrol ang mangyayari sa iyong mga impormasyon.

Ano ang GCash?

Ang GCash ay elektronikong bersyon ng isang pitaka (digital wallet) na magpapadali sa iyong mga gawaing pampinansyal at may kinalaman sa istilo ng iyong pamumuhay. Salamat sa aming mga partner, pwede mo nang bayaran ang iyong mga bill, magpadala ng pera, humiram ng cash, mag-donate, magtanim ng mga puno, mamili online, at bumili ng mga bagay gamit ang iyong GCash App.

Pwede mong makita sa aming website ang mga bagay na pwede mong gawin sa iyong GCash App.

Bakit nasa amin ang iyong personal na impormasyon?
  1. Para makumpirma ang iyong pagkakakilanlan (Know-Your-Customer o KYC Information)
    Bago namin magawa ang iyong digital wallet at maipagamit sa iyo ang mga serbisyo ng aming mga partner, kailangan naming malaman ang iyong pagkakakilanlan, ayon sa hinihingi ng batas. Kailangan din naming makita ang mga transaksyon at mai-report sa mga financial regulator ang anumang kaduda-dudang aktibidad. Dahil ito sa mga patakaran laban sa pagtatago ng tunay na pinagmulan ng pera na maaaring nakuha sa ilegal na paraan (money laundering).

  2. Para maibigay ang aming mga serbisyong angkop sa istilo ng iyong pamumuhay at pinansyal na pangangailangan
    Kinokolekta namin ang iyong personal na impormasyon para madali at agad mong magamit ang aming mga serbisyo. Halimbawa, kapag nagbabayad ka ng mga bill gamit ang iyong GCash App, hinihingi namin ang iyong pangalan, detalye ng iyong account, detalye kung paano ka makokontak, at paraan ng iyong pagbabayad. Kinukuha namin ang mga detalyeng ito para mailagay ng kompanya o institusyong iyong binabayaran ang bayad sa tamang bill o account.

    Tinitingnan din namin ang iyong paggamit ng aming mga serbisyo para makita kung makakakuha ka ng mga espesyal na deal mula sa amin. Isa rin sa mga tinitingnan namin ay ang mga bagay tulad ng kung tama ang pag-set up ng iyong account, kung sapat ang perang nasa iyong GCash account, at kung gaano kadalas mo ginagamit ang aming mga serbisyo tulad ng pagbabayad ng mga bill, pag-invest ng pera, pag-ipon ng pera, at pagkuha ng insurance. Tinitingnan din namin kung binabayaran mo ang iyong mga loan nang maaga o nang nasa oras, at kung paano mo ginagamit ang iyong kredit. Sa pamamagitan nito, magagawa naming kalkulahin ang iyong GScore. Para malaman pa ang tungkol sa GScore, mangyaring tingnan ang GScore FAQs.

  3. Para ma-personalize ang aming mga produkto at serbisyo
    Kinokolekta at sinusuri namin ang iyong personal na impormasyon para maiangkop sa iyo ang aming mga serbisyo. Sa pag-unawa sa iyong mga gusto at kailangan, makapagrerekomenda kami ng mga mas angkop na produkto, serbisyo, at mga personalisadong feature para mas mapaganda pa ang iyong karanasan sa paggamit ng iyong GCash App.

  4. Para makagawa ng pananaliksik sa produkto at merkado (product at market research)
    Pwede naming gamitin ang iyong personal na impormasyon upang maintindihan namin ang mga uso at mga pattern sa merkado. Ito ay para na rin makagawa kami ng mga bagong produkto at mas mapaganda namin ang aming serbisyo. Halimbawa, may mga iniaalok kaming patas na pagpapautang (fair lending), mga abot-kayang pamumuhunan, accessible na insurance, at iba pang serbisyo upang maisulong ang financial inclusivity para sa lahat ng mga Pilipino. Naipakilala namin ang mga produktong ito dahil inaaral namin ang iyong mga pangangailangan.

  5. Para mapamahalaan ang panganib at maiwasan ang posibleng panlilinlang (fraud) at krimen
    Nagsasagawa kami ng pagsusuri sa panganib (risk analysis) at pagpigil ng panlilinlang (fraud prevention) para mapangalagaan ka, ang aming mga partner, at ang aming negosyo. Halimbawa, para mapigilan ang sinuman na kontrolin ang iyong GCash account, pwede naming kunin at tingnan ang iyong larawan, mga transaction history, at iba pang personal na impormasyon. Para malaman ang tungkol sa aming DoubleSafe security feature, mangyaring bisitahin ang aming website.

  6. Para mas mapaganda ang aming customer service
    Pwedeng kunin ng aming Customer Service Management Team ang iyong ibang personal na impormasyon para masagot ng tama ang iyong mga tanong. Inire-rekord din namin ang iyong mga tawag at chat para mas mapaganda pa ang aming serbisyo at maturuan ang aming team.

  7. Para mas mapahusay ang performance ng iyong GCash App
    Para masulit at makuha mo ang pinakamagandang karanasan sa paggamit ng iyong GCash App, pwede naming gamitin ang iyong personal na impormasyon at pag-aralan kung paano mo ginagamit ang app. Ito ay para mas mapaganda pa namin ang aming mga serbisyo.

  8. Para mapadalhan ka ng mga update at ibang komunikasyon
    Pwede naming gamitin ang iyong personal na impormasyon para mapadalhan ka ng mahahalagang update tungkol sa iyong account, mga serbisyong iyong ginagamit, mga bagong feature, security alert, at iba pang kaugnay na komunikasyon.

  9. Para ma-advertise ang mga kaugnay na serbisyo at produkto
    Pwede naming gamitin ang iyong personal na impormasyon para makagawa ng pasadyang ad (targeted advertising). Ito ay para maipakita sa iyo ang mga offer, promosyon, at suhestyon na tugma sa iyong mga interes. Layunin din namin na mabigyan ka ng mas personalisadong ad. Dahil dito, pinag-aaralan namin kung paano mo gamitin ang iyong GCash account, tulad ng pagsusuri ng iyong transaction history, pattern ng paggamit, at mga preperensya.

  10. Para mapangasiwaan ang proseso ng recruitment at mapanatili ang mga rekord ng pagtratrabaho
    Kung magtatrabaho ka sa amin, nakapagtrabaho sa amin, o interesadong maging bahagi ng aming kompanya, pinoproseso namin ang mga personal na impormasyon na iyong ibinahagi sa amin sa iyong resume at mga application form. Kabilang dito ang mga impormasyon tungkol sa iyong edukasyon, mga resulta ng test, alok na trabaho, background check, at pagsusuring medikal. Itinatabi rin namin ang iyong personal na impormasyon habang ikaw ay nagtatrabaho sa amin at kahit na pagkatapos mong umalis, tulad ng mga detalye kaugnay ng iyong pensyon at mga benepisyo, account sa bangko, mga tirahan, benepisyaryo, at emergency contact.

Ano-anong uri ng impormasyon ang aming kinokolekta, pinoproseso, at ibinabahagi, at gaano katagal namin itinatabi ang mga ito?

Kung magdesisyon kang magbukas ng GCash account, kokolektahin, ipoproseso, at ibabahagi namin ang iba’t ibang uri ng impormasyon. Huwag kang mag-alala, itatabi at gagamitin lang namin ang mga ito hangga’t kinakailangan para matugunan ang layuning makolekta ang mga ito o matugunan ang mga hinihingi ng batas.

  1. Impormasyon sa Pagkakakilanlan (Know-Your-Customer): Kapag nagbukas ka ng GCash account, kinokolekta namin ang iyong mga personal na detalye. Kasama rito ang iyong buong pangalan, kasarian, tirahan, numero ng cellphone, email address, detalye ng kapanganakan, nasyonalidad, mga numero ng ID na nagmula sa gobyerno, larawan, at pirma. Kung kailangan, pwede rin naming itanong ang tungkol sa iyong trabaho, katayuan sa pag-aasawa (marital status), kinikita, at iba pang impormasyon, ayon sa hinihingi ng mga regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

    Itinatabi namin ang mga impormasyon ng iyong pagkakakilanlan sa loob ng 5 taon pagkatapos ng huling transaksyon na iyong ginawa gamit ang iyong GCash account o pagkatapos mong isara ang iyong account.

  2. Pinansyal na Impormasyon: Kung ikokonekta mo ang iyong GCash digital wallet sa iyong account sa bangko, pwede naming kolektahin ang mga detalye nito pati na rin ang detalye ng iyong online login.

    Itinatabi namin ang iyong pinansyal na impormasyon sa loob ng 5 taon pagkatapos ng huling transaksyon na iyong ginawa gamit ang iyong GCash account o pagkatapos mong isara ang iyong Account.

  3. Listahan ng Kontak: Kapag ginamit mo ang aming serbisyo para magpadala ng pera o mobile load sa iyong mga kontak, o hinikayat silang gamitin ang mga feature tulad ng GForest, pwede naming kolektahin ang mga impormasyon mula sa iyong address book.

    Papanatilihin ng GCash App ang iyong listahan ng kontak hangga’t mayroon ka nito.

  4. Third-Party Information: Kinokolekta namin ang mga impormasyon tungkol sa iyo mula sa iba’t ibang mga source para pagandahin ang aming mga serbisyo. Halimbawa, para sa recruitment at background check, pagproseso ng transaksyon, beripikasyon ng pagkakakilanlan, at pag-detect sa panlilinlang.

    Nag-iiba ang haba ng panahon ng pagtatago namin ng iyong third-party information:

    • Impormasyon sa pagkakakilanlan: Itinatabi ang mga ito ng hanggang 5 taon pagkatapos ng huling transaksyong iyong ginawa gamit ang iyong GCash account o pagkatapos mong isara ang iyong account.
    • Impormasyong propesyonal o tungkol sa trabaho: Itinatabi ang mga ito sa loob ng 5 taon pagkatapos ng iyong recruitment o sa pagtatapos ng iyong trabaho.
    • Kung may kaugnayan sa patuloy na imbestigasyon: Itinatabi ang mga ito nang hanggang 10 taon pagkatapos maisagawa ang imbestigasyon o depende sa utos ng korte.
  5. Detalye ng Device:Kinokolekta namin ang mga detalye tungkol sa device na iyong ginagamit sa pag-akses ng iyong GCash account, tulad ng uri ng device, numero ng identidad, time zone, setting ng wika, uri ng browser, at IP address.

    Itinatabi namin ang mga impormasyon tungkol sa iyong device nang hindi bababa sa 90 araw sa aming aktibong rekord at hanggang 3 taon sa aming backup na rekord.

  6. Impormasyon sa Paggamit ng App: Kinokolekta namin ang mga impormasyon tungkol sa kung paano mo gamitin ang app at website, tulad ng mga page na iyong binibisita at mga aktibidad na ginagawa mo doon.

    Itinatabi namin ang iyong mga impormasyon sa paggamit ng app nang hindi bababa sa 90 araw sa aming aktibong rekord at hanggang 3 taon sa aming backup na rekord.

  7. Impormasyong Biometric:
    Login: Kinokolekta namin ang impormasyong biometric mula sa iyong device upang maakses ang iyong GCash account. Maaari rin naming kolektahin ang iyong larawan para sa aming DoubleSafe security feature. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa DoubleSafe feature, mangyaring bisitahin ang aming website. Itinatabi namin ang detalye ng iyong impormasyong biometric sa pag-login hangga’t mayroon kang GCash app.

    Pagbabayad: Kinokolekta rin namin ang impormasyong biometric tulad ng larawan para sa aming mga features sa pagbabayad tulad ng Face Pay. Itinatabi namin ang impormasyong biometric na ginagamit sa pagbabayad sa loob ng limang (5) taon pagkatapos ng iyong huling transaksyon na ginawa gamit ang iyong GCash account o pagkatapos mong isara ang iyong account.

  8. Impormasyon sa Geolocation: Kinokolekta namin ang mga impormasyon tungkol sa iyong lokasyon para mas mapaganda pa ang aming mga serbisyo, para sa pag-detect ng panlilinlang at krimen, at para sa mga bagay na may kaugnayan sa marketing. Pwedeng hindi gumana nang maayos ang ilang feature kung hindi mo ibabahagi ang iyong lokasyon. Pwede mong kontrolin ito sa settings ng iyong device.

    Kung ang impormasyon sa geolocation ay may kaugnayan sa patuloy na imbestigasyon, itatabi namin ito nang hanggang 10 taon pagkatapos maisagawa ang imbestigasyon o depende sa utos ng korte.

  9. Mga ibinigay mong impormasyon kapag kinokontak kami: Kapag kinokontak mo kami gamit ang chat, telepono, o email, inire-rekord namin ang ating usapan at kinukuha ang mga detalye tungkol sa iyo at sa iyong mga saloobin. Bukod dito, kumukuha rin kami ng mga litrato sa mga event na iyong dinaluhan.

    Kung tumutukoy ito sa mga impormasyon sa pagkakakilanlan, itatabi namin ang mga ibinigay mong impormasyon kapag kinontak mo kami sa loob ng 5 taon pagkatapos ng huling transaksyon na iyong ginawa gamit ang iyong GCash account o pagkatapos mong isara ang iyong account.

  10. Impormasyon sa online o network activity: Kinokolekta namin ang mga impormasyon tungkol sa iyong mga interaksyon sa aming app, website, mga advertisement, mga social media page, at iba pang digital na platform.

    Itinatabi namin ang mga impormasyon tungkol sa iyong device nang hindi bababa sa 90 araw sa aming aktibong rekord at hanggang sa 3 taon sa aming backup na rekord.

  11. Social Web Information: Kinokolekta namin ang iyong mga impormasyon sa tuwing nakikipag-ugnayan ka sa amin sa pamamagitan ng aming mga official social media page (Facebook, Twitter, Tiktok, at Instagram). Kabilang sa mga kinokolekta namin ang iyong numero ng tiket, numero ng cellphone, pangalan, larawan, at iba pang impormasyong may kaugnayan sa iyong tanong.

    Nag-iiba ang haba ng panahon ng pagtatago namin ng iyong impormasyon sa social web:

    • Impormasyon sa pagkakakilanlan: Itinatabi ang mga ito sa loob ng 5 taon pagkatapos ng huling transaksyon na iyong ginawa gamit ang iyong GCash account o pagkatapos mong isara ang iyong account.
    • Impormasyong propesyonal o tungkol sa trabaho: Itinatabi ang mga ito sa loob ng 5 taon pagkatapos ng iyong recruitment o sa pagtatapos ng iyong trabaho.
    • Kung may kaugnayan sa patuloy na imbestigasyon: Itinatabi ang mga ito nang hanggang 10 taon pagkatapos maisagawa ang imbestigasyon o depende sa utos ng korte.
  12. Mga Advertising Unique Identifier: Kinokolekta namin ang mga unique identifier tulad ng iyong iOS Identifier for Advertisers (IDFA) at Android Advertising ID (GAID) tuwing kami ay nagsasagawa ng aming mga ad. Pwede mong kontrolin kung paano mo ibabahagi ang iyong mga advertising identifier sa pamamagitan ng pagbabago nito sa settings ng iyong device.

    Itinatabi namin ang iyong mga unique identifier hangga’t mayroon kang GCash App.

  13. Impormasyong Propesyonal o tungkol sa Trabaho: Kinokolekta namin ang mga impormasyong iyong inilagay sa iyong resume para sa iyong aplikasyon sa trabaho, kabilang na ang iyong mga dating trabaho, edukasyon, detalye kung paano ka makokontak, at mga lisensyang propesyonal o mga sertipikasyon.

    Itinatabi namin ang iyong mga impormasyong prospesyonal o tungkol sa trabaho sa loob ng 5 taon pagkatapos mong umalis. Kapag hindi mo natapos ang proseso para sa iyong “clearance”, pwede naming itabi ang iyong rekord nang hanggang 7 taon.

Paano namin kinokolekta ang iyong personal na impormasyon?
  1. Mga Direktang Interaksyon: Kinokolekta namin ang iyong impormasyon kapag gumagawa ka ng GCash account at nagbibigay ng mga personal na impormasyon para magamit ang aming mga serbisyo, mag-apply sa trabaho, sumali sa mga recruitment event, makipag-ugnayan sa amin para humingi tulong, at iba pa.

  2. Sa Pamamagitan ng aming App at Website: Kinokolekta namin ang iyong mga impormasyon kapag nagbukas ka ng GCash account o gumamit ng alinman sa aming mga serbisyo tulad ng GStocks PH, Global Stocks, o GCrypto, o kapag nag apply ka para maging isa sa aming mga merchant o business partner.

  3. Sa Pamamagitan ng Iba’t ibang Channel: Kinokolekta namin ang iyong mga impormasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang channel, kabilang na ang mga online form at mga app page na hawak namin o ng aming mga service provider. Halimbawa, kapag bumili ka ng produkto mula sa website ng aming partner at pinili ang GCash bilang paraan ng pagbabayad, kokolektahin namin ang iyong impormasyon para maproseso ang iyong bayad.

  4. Mula sa Aming mga Partner at mga Affiliate: Halimbawa, pwede naming matanggap ang iyong personal na impormasyon mula sa human resources department ng iyong kompanya kapag ginagamit nila ang GCash para bayaran ang iyong sweldo. Nakukuha rin namin ang mga impormasyon mula sa ibang mga kompanya kapag ginagamit nila ang GCash sa pag-aalok sa iyo ng kanilang mga serbisyo.

  5. Mula sa Aming mga Social Media Platform: Kinokolekta namin ang iyong mga impormasyon tuwing pakikipag interaksyon ka sa amin sa aming mga opisyal na social media page o kapag sumali ka sa aming mga contest.

  6. Sa Pagbibigay ng Permiso sa Iyong mga Mobile Device: Kinokolekta namin ang iyong mga impormasyon kapag ginamit mo ang iyong biometrikong impormasyon sa pag-login o binigyan ng akses ang piling serbisyo tulad ng GForest at iba pang aktibidad sa marketing.

  7. Mula sa Ibang Third Party: Halimbawa, pwede naming makuha ang iyong personal na impormasyon kapag pinahintulutan mo ang ibang kumpanya na makipag transaksyon sa amin o kapag hiniling mong ipadala nila ang iyong personal na impormasyon sa amin (pagtupad sa iyong karapatan sa data portability).

  8. Mula sa Iyong mga Kaibigan, Miyembro ng Pamilya, o Dating Pinagtatrabahuhan: Halimbawa, kinokolekta namin ang mga impormasyon kapag inilista ka ng iyong mga kaibigan bilang reference o contact person sa kanilang account.

  9. Mula sa mga Third-Party Recruitment Agency: Pwedeng magbigay ang mga ka-partner naming mga recruitment agency ng kopya ng iyong resume o mga personal na impormasyong iyong ibinahagi sa iyong job-search at mga professional networking website.

  10. Mula sa mga Third-Party Background Verification Provider: Kumukuha kami ng mga taong nag beberipika ng mga impormasyong ibinibigay mo sa iyong aplikasyon sa trabaho at nagsasagawa ng background check. Nakatutulong ito sa amin para malaman kung ikaw ay nababagay sa aming kompanya.

Kanino namin ibinabahagi ang iyong mga personal na Impormasyon?

Katuwang namin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga pribadong negosyo para magbigay ng malawak na hanay ng mga serbisyong angkop sa istilo ng iyong pamumuhay at pangangailangang pinansyal. Paminsan-minsan, kailangan naming ligtas na maibahagi sa kanila ang iyong personal na impormasyon para maibigay sa iyo ang mga serbisyong kailangan mo:

  1. Mga GCash affiliate: Nagtutulungan ang iba’t ibang kompanyang katuwang ng GCash para makapagbigay ng serbisyong angkop sa istilo ng iyong pamumuhay at pangangailangang pinansyal. Halimbawa, kung magdesisyon kang mag-apply ng loan, ang mga ibibigay mong personal na impormasyon ay pwede naming ibahagi sa aming lending partner, Fuse Lending, Inc. (FLI). G-Xchange Inc. (GXI) ang pangunahing kompanyang nagpapatakbo sa GCash. May mga katuwang na kompanya ang GXI tulad ng FLI at BlockG Virtual Assets, Inc. (BlockG). Ang kompanyang Globe Fintech Innovations, Inc. (GFI or Mynt) naman ang nagmamay-ari sa GXI.

  2. Mga pinansyal na institusyon at mga credit investigation agency: Para patuloy kang mabigyan ng mga dekalidad na serbisyo, pwede naming ibahagi ang iyong mga personal na impormasyon sa iba pang mga pinagkakatiwalaang pinansyal na institusyon. Nakatutulong ito sa amin para maibigay ang mga serbisyong iyong hiniling, makumpirma ang iyong pagkakakilanlan, suriin ang kakayahan mong magbayad, mapamahalaan ang mga panganib, maiwasan ang panlilinlang at krimen, at marami pang iba.

  3. Mga partner: Pwedeng makipag tulungan ang GCash sa iba’t ibang negosyo para makapagbigay sa iyo ng malawak na hanay ng mga serbisyong angkop sa istilo ng iyong pamumuhay at pangangailangang pinansyal. Halimbawa, kapag ginamit mo ang iyong GCash App para magbayad ng mga bill, pwede naming ibahagi ang iyong personal na impormasyon sa pinili mong billing company. Kapag sumali ka sa promosyon ng aming mga partner, pwede naming ibahagi sa kanila ang rekord ng iyong subskripsyon sa promo at redemsyon nito. Para malaman kung sino ang aming mga partner, mangyaring puntahan ang aming Website.

  4. Mga service provider: Ibinabahagi rin namin ang iyong personal na impormasyon sa mga pinagkakatiwalaang service provider na tumutulong sa amin para gawing maayos at episyente ang aming mga serbisyo. Tinutulungan nila kami sa iba’t ibang paraan, tulad ng pagsagot sa iyong mga tanong, pagsusuri sa mga impormasyon, pangangasiwa sa mga panganib, pag-iwas sa panlilinlang, pagproseso sa mga bayad at marami pang iba. Malaki ang kanilang ginagampanan para masiguro na magamit mo nang maayos ang GCash App.

  5. Mga katuwang sa pagpigil ng panlilinlang at krimen: Tapat kami sa tungkuling mapangalagaan ka at ang ibang mga GCash user mula sa panlilinlang at iba pang krimen. Sa pagbabahagi ng ilan sa iyong personal na impormasyon, nakakatulong kami sa isang mas ligtas at mas bukas na sistemang pinansyal para mapangalagaan ka at ang mas malawak na komunidad.

  6. Mga ahensyang nagpapatupad ng batas, mga sangay na responsable sa mga regulasyon, at mga korte: Pwedeng ibahagi ng GCash ang iyong personal na impormasyon sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas, sangay na responsable sa mga regulasyon, korte, at iba pang pampublikong awtoridad. Gagawin lamang namin ito kung kinakailangan ng batas o para mapangalagaan ang ating karapatan, maiwasan ang panlilinlang, at matiyak ang kaligtasan ng mga gumagamit ng GCash at ang Publiko.

  7. Mga pagbabago sa GCash: Kapag nakipagsanib-pwersa ang GCash sa ibang kompanya, o kung bibilhin kami o ang aming mga ari-arian ng ibang kompanya, pwedeng ibahagi namin ang iyong personal na impormasyon sa nasabing kompanya. Kung mangyayari ito, sisiguraduhin naming maaga ka naming masasabihan kung ang iyong impormasyon ay ibibigay sa ibang kompanya o kung may mga bagong patakaran sa pangangalaga at pagsasapribado ng iyong mga impormasyon.

Paano namin binubura ang iyong mga personal na impormasyon?

Tinitiyak namin na ligtas naming buburahin ang iyong mga personal na impormasyon para hindi na ito mabawi o magamit. Ginagawa namin ito alinsunod sa mga pamantayang pangseguridad sa aming industriya. Kapag hindi na kami pinahihintulutan ng batas o ng mga regulasyon na magtago ng iyong personal na impormasyon, sisimulan naming burahin ang mga ito.

Para sa mga impormasyong naka-print o nasa papel, sisirain namin ito sa pamamagitan ng pagpupunit-punit (shredding) nito. Para sa mga impormasyong nakatago sa elektronikong midya tulad ng mga tape at hard drive, tuluyan naming buburahin ang mga ito gamit ang mga espesyal na solusyon para hindi na mabasa ang mga ito. Sa pamamagitan nito ay hindi na mababasa ang mga impormasyon at hindi na magagamit nang walang pahintulot.

Paano ka namin pinadadalhan ng mga ad?

Para manatili kang updated sa aming mga pinakabagong offer at feature, ginagamit namin ang ilan sa iyong impormasyon para sa aming mga ad. Pwede naming gamitin ang isa o kombinasyon ng mga sumusunod na paraan:

  1. Pagkolekta sa iyong mga impormasyon: Pwede naming kolektahin ang ilang personal na impormasyon tungkol sa iyo, sa iyong mga ginagawa sa app, at ang iyong advertising data(depende sa settings ng iyong device). Sinusuri namin ang mga ito para maunawaan ang iyong pangkalahatang interes at pangangailangan.
  1. Profiling: Pwede naming gamitin ang mga impormasyong aming kinokolekta para makabuo ng “profile” tungkol sa iyo. Ginagawa namin ito para maunawaan kung ano ang mga pwede mong magustuhan at para makapag suhestiyon kami ng mga produkto o serbisyo na tugma sa iyong mga interes. Nakakatulong din sa amin ang paggawa ng profile para tanggalin ang mga bias na maaaring makaapekto sa iyong paggamit ng GCash App. Halimbawa, ginagamit naming basehan ang iyong profile upang tiyakin na matatanggap mo lamang ang mga ads na naaayon sa iyong edad.
  1. Mga pasadyang ad (targeted ad): Pwede naming gamitin ang iyong profile para ipakita sa iyo ang mga piling ad na sa tingin namin ay magiging interesado ka. Sa halip na ipakita sa lahat ang pare-parehong ad, layunin ng aming mga pasadyang ad (targeted ad) na ihatid ang mga kontent na mas may kaugnayan sa bawat indibidwal na user. Bukod pa rito, isang layunin ng mga pasadyang ad (targeted ads) ay ang pagtukoy kung aling mga ad ang angkop para sa iyo. Halimbawa, kung ang isang produkto ay ibinebenta lamang sa piling lugar, hindi na namin ipapakita sa iyo ang mga ad para sa mga produktong hindi mo mabibili.
  2. Ads Preference: Ito ay nagbibigay kapangyarihan sa iyo na piliin ang mga ad na iyong matatanggap. Maaari mo itong kontrolin sa pamamagitan ng pag-customize ng mga ad na iyong nakikita sa GCash App. Kung sakaling nais mong baguhin ang iyong ad preference, tandaan na madali mo itong mapapalitan o made-deactivate.
  3. Pakikipagtulungan kasama ang mga partner: Paminsan minsan ay nakikipag tulungan kami sa mga mapagkakatiwalaang partner, tulad ng mga kompanya ng advertising, para matulungan kami na ipakita sa iyo ang aming mga ad. Ang aming mga partner ay may akses lamang sa mga nakalihim na code at anonimong impormasyon. Kailangan din nilang panatilihing kumpidensyal ang iyong mga impormasyon at sumunod sa mga batas tungkol sa pangangalaga ng iyong impormasyon.
Paano namin pinapanatiling ligtas ang iyong mga impormasyon?

Mahalaga sa amin ang iyong pagtitiwala at pagkapribado. Dahil dito, layunin namin na maging malinaw kung paano at kailan namin ibinabahagi ang iyong impormasyon habang pinapanatili ang kaligtasan at seguridad nito.

Maaaring may mga panganib sa paggawa ng digital wallet. May mga magtatangkang mang-agaw ng kontrol sa iyong account (account takeover), may magpapanggap na miyembro ng iyong pamilya upang linlangin ka at ibigay mo ang iyong mga personal na impormasyon (social engineering), o may gagamit ng iyong cellphone nang wala kang pahintulot (hacking). Gusto naming panatilihing ligtas ang iyong mga detalye para hindi ito magamit sa maling paraan, mawala, o maakses ng sinuman nang hindi mo pinahihintulutan. Dahil dito, nagdagdag kami ng mga hakbang pangseguridad para mapangalagaan ka mula sa mga panganib na ito. Kabilang sa mga hakbang pangseguridad na ito ang mga sumusunod:

  • Paghihigpit sa akses: Piling mga tao lamang ang may pahintulot na makita ang iyong personal na impormasyon.
  • Pag-encrypt: Nilalagyan namin ng code ang iyong personal na impormasyon para mapanatili itong pribado kapag itinatago at ipinapadala ito. Sa pag-encrypt ay ginagawang parang lihim na code ang iyong impormasyon na maiintindihan lamang ng sinumang may hawak ng susi o kodigo
  • Multi-factor authentication (MFA): Gumagamit kami ng MFA sa GCash App. Nangangahulugan ito na mangangailangan ka ng higit sa isang hakbang bago mo maakses ang iyong account. Halimbawa, kapag gusto mong ikonekta ang isang bagong device sa iyong GCash account, kailangan mong gumamit ng one-time password (OTP), ipasok ang iyong Mobile PIN, at mag-selfie scan. Gumagamit din kami ng biometrikong impormasyon sa pag-login.

Regular din naming sinusuri kung paano pumapasok at lumalabas ang mga impormasyon sa aming computer system para matiyak na ligtas ang mga ito. Nagpapatupad kami ng mga organisasyonal, pisikal, at teknikal na hakbang pang-seguridad na naaayon sa mga kinikilalang pamantayan sa industriya.

Kapag ibinibigay namin ang iyong personal na impormasyon sa ibang kompanya para matulungan kami sa aming mga serbisyo, pinapipirma namin sila ng espesyal na kasunduan. Tinitiyak ng kasunduang ito na sinusunod nila ang mga parehong alituntunin na binuo namin para mapanatiling ligtas ang iyong mga impormasyon

Bilang karagdagan, pinapayuhan ka namin na manatiling mapagmatiyag at laging pangalagaan ang iyong mga password. Ipaalam agad sa amin kapag sa tingin mo ay nakompromiso ang iyong mga password. Huwag kailanman ibabahagi ang iyong MPIN o OTP. Para sa dagdag na impormasyon sa pangangalaga sa iyong GCash Account, puntahan ang aming Help Center.

Gumagamit ba kami ng mga awtomatikong proseso sa pagdedesiyon?

Pwede kaming gumawa ng mga desisyon tungkol sa iyo nang walang tulong mula sa isang tao sa pamamagitan ng mga computer system, isang prosesong tinatawag na automated decision-making. Ginagawa namin ito para higit na maunawaan ka bilang kustomer. Sa pagsusuri sa iyong mga nakaraang mga transaksyon, mga pagbabayad, at balanse ng account, mas mauunawaan namin ang iyong kagawian sa mga aspektong pinansyal, kakayahang makapagbayad, at iba pang mga kagawian. Tinutulungan din kami ng prosesong ito para matukoy ang iyong mga pangangailangan sa hinaharap, tulad ng kung kakailanganin mo ng dagdag na kredit. Halimbawa, pwede naming malaman kung may kakayahan kang makakuha ng mga produktong pinansyal na iniaalok ng aming mga partner base sa iyong GScore. Para malaman pa ang tungkol sa GScore, mangyaring tingnan ang GScore FAQs.

Anong ang iyong mga karapatan kaugnay ng iyong mga impormasyon?

Marami kang karapatan sa ilalim ng batas:

  • Maaari mong malaman kung paano namin hinahawakan ang iyong personal na impormasyon (karapatang malaman).
  • Maaari mong iakses ang iyong mga personal na impormasyon na hawak namin (karapatang maakses).
  • Kapag pinoproseso namin ang iyong personal na impormasyon base sa iyong pahintulot o lehitimong interes, maaari kang tumutol (karapatang tumutol).
  • Maaari mong hilingin sa amin na ihinto, bawiin, harangin, burahin, o sirain ang iyong mga personal na impormasyon (karapatang burahin o harangin).
  • Kapag nalabag ang iyong karapatan sa pagkapribado at nakaranas ng pinsala, maaari kang humingi ng kabayaran (karapatan sa danyos).
  • Kung sa tingin mo ay ginamit sa mali ang iyong personal na impormasyon o nalabag ang iyong karapatan sa pagkapribado, maaari kang magsampa ng reklamo sa National Privacy Commission (karapatang magsampa ng reklamo).
  • Maaari mong kwestyunin at hingin ang pagwawasto ng anumang pagkakamali sa iyong personal na impormasyon (karapatang iwasto).
  • Maaari mong hilingin sa amin ang ligtas na paglilipat o pagkopya ng iyong personal na impormasyon mula sa isang kompanya patungo sa isa pa (karapatan sa paglilipat ng impormasyon).

Para sa dagdag na impormasyon tungkol sa iyong mga karapatan sa pagkapribado (privacy rights), maaari mong puntahan ang website ng National Privacy Commission para makita ang mga sanggunian tungkol sa Rights of Data Subjects.

Paano mo gagamitin ang iyong mga karapatan sa pagkapribado?

Aming tutugunan ang lahat ng iyong hiling na iakses, iwasto, o ilipat ang iyong personal na impormasyon maliban kung may mga legal na dahilan para hindi namin magawa ito. Maaari kang humiling ng kopya ng kahit anong personal na impormasyon na hawak namin tungkol sa iyo. Kapag may makita kang pagkakamali, maaari mong hilingin sa amin na iwasto ito.

Pinahahalagahan namin ang iyong saloobin, puna, at mga kahilingan. Kung kailangan mong makipag-ugnayan sa amin, maaari mo kaming tawagan sa 2882 (Customer Care).

Napapanahon ba ang aming Paunawa sa Pagkapribado?

Regular naming ina-update ang paunawa na ito para magbigay sa iyo ng mga bagong impormasyon kung paano namin pinapangalagaan ang iyong personal na impormasyon. Layunin namin na masabayan ang mga pinakabagong tuntunin tungkol sa pagkapribado ng impormasyon at mga pagbabago sa teknolohiyang pangseguridad. Inirerekomenda namin na regular na bisitahin ang page na ito para manatiling may alam sa mga update na isinasagawa namin.

GCash Seal of Registration

  7. Biometrikong Impormasyon sa Pag-login: Kinokolekta namin ang mga biometrikong impormasyon mula sa iyong device para maakses ang iyong GCash account. Maaari rin naming kolektahin ang iyong larawan para sa aming DoubleSafe security feature. Para malaman pa ang tungkol sa DoubleSafe security feature, mangyaring bisitahin ang aming website.

    Itatabi namin ang detalye ng iyong biometrikong impormasyon sa pag-login hangga’t mayroon kang GCash App.